MAKIKITA sa sinabing iyan ng dalagita ang isang masakit na katotohanan—sa buong daigdig, ang mga babae, anuman ang kanilang edad, ay apektado ng karahasan at diskriminasyon. Pansinin ang mga sumusunod.
- Diskriminasyon. Sa Asia, mas gusto ng karamihan sa mga magulang ang anak na lalaki. Sa isang report ng UN noong 2011, tinatayang halos 134 na milyong babae sa Asia ang hindi napapabilang sa populasyon dahil sa aborsiyon, pagpatay sa sanggol, at pagpapabaya.
- Edukasyon. Sa buong daigdig, ang 66 na porsiyento ng mga hindi nakapag-aral o hindi man lang nakaapat na taon sa pag-aaral ay mga babae.
- Seksuwal na pang-aabuso. Mahigit 2.6 bilyong babae ang nakatira sa mga bansang hindi itinuturing na krimen ang marital rape.
- Kalusugan. Sa papaunlad na mga bansa, halos tuwing ikalawang minuto, isang babae ang namamatay dahil sa mga komplikasyon sa pagbubuntis o panganganak, na resulta ng kakulangan sa pangunahing medikal na pangangalaga.
- Karapatang magmay-ari. Bagaman mga babae ang nagtatanim ng mahigit sa kalahati ng mga pananim sa buong daigdig, ang mga babae sa maraming bansa ay walang legal na karapatang magmay-ari o magmana ng lupa.
Bakit pinagkakaitan ng gayong mga karapatan ang mga babae? Ang ilang kultura ay may sinusunod na relihiyosong mga paniniwala at gawain na nagtataguyod o nagbibigay-katuwiran pa nga sa pang-aabuso at karahasan sa mga babae. Sinipi sa isang pahayagan sa Pransiya ang sinabi ng abogadong taga-India na si Chandra Rami Chopra: “Ang lahat ng batas ng relihiyon ay may pagkakatulad: Sinusuportahan nila ang diskriminasyon sa mga babae.”
Ganiyan din ba ang pangmalas mo? Sa tingin mo ba ay minamaliit ng Bibliya ang mga babae, gaya ng ginagawa ng ibang relihiyosong mga aklat? Para sa ilan, ganiyan ang waring ipinahihiwatig ng ilang teksto sa Bibliya. Pero ano ba talaga ang pangmalas ng Diyos sa mga babae? Bagaman maselan ang isyung ito, ang maingat at tapat na pagsusuri sa sinasabi ng Bibliya ay makatutulong sa atin para masagot ang mga iyan.
Source: http://www.jw.org/tl/publikasyon/magasin/wp20120901/mga-problema-ng-mga-babae/